MABABANG KITA NG MGA MAGSASAKA AT MANGINGISDA, NANATILING HAMON SA KABILA NG PAGTAAS NG PRODUKSYON SA PANGASINAN

Bago ang State of the Nation Address o SONA ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sumasalamin sa pinakahuling datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) na unti-unti na umanong bumubuti ang produksyon ng palay, ngunit nananatili pa ring hamon ang kita ng mga magsasaka at ang produksyon ng isda.

Ayon sa PSA, bahagyang bumaba ng 0.2 porsyento ang produksyon ng palay sa Ilocos Region noong 2025. Gayunman, sa unang quarter ng 2026, tumaas ito ng 4 porsyento, na nagpapakita ng pagbangon ng sektor.

Nananatili ring pinakamalaking prodyuser ng palay sa rehiyon ang Pangasinan, na nag-aambag ng halos 62 porsyento ng kabuuang ani.

Ngunit, nananatiling mababa ang kita ng mga magsasaka. Umabot sa ₱13.26 kada kilo ang karaniwang gastos sa produksyon ng palay noong 2025, habang ₱18,476 kada ektarya lamang ang karaniwan nilang kinikita.

Sa pangisdaan naman, suliranin umano ang pagbaba ng produksyon. Sa unang quarter ng 2026, bumaba ng 1 porsyento ang kabuuang fishery production sa Ilocos Region kumpara sa nakaraang taon, na nakaapekto sa kita ng mga mangingisda.

Kaugnay nito, may iba’t ibang programa ang pamahalaan tulad ng Presidential Assistance for Farmers and Fisherfolk, na target mabigyan ng ayuda ang 318,942 magsasaka at mangingisda sa Ilocos Region. Sa datos hanggang Hulyo 13, mahigit 254,000 na ang nakatanggap ng ₱2,325 na cash assistance.

Nagbigay rin ang Department of Agriculture (DA) ng ₱5,000 fuel subsidy sa 9,570 magsasaka sa buong bansa. Sa Pangasinan, 335 farmers’ cooperatives ang nabigyan ng 1,300 knapsack sprayers, habang nakapagsagawa rin ang lalawigan ng 27 Kadiwa markets, na kumita ng mahigit ₱4.1 milyon at nakapaglingkod sa higit 10,000 kabahayan.

Habang inaasahang magiging isa sa mga pangunahing usapin sa SONA ang agrikultura, ipinakikita ng datos na may pagbuti sa produksyon ng palay.

Gayunman, nananatiling hamon ang mababang kita ng mga magsasaka at ang patuloy na pagbaba ng produksyon ng isda, kaya inaabangan ng sektor ang mga susunod na hakbang ng pamahalaan para sa seguridad sa pagkain at kabuhayan ng mga Pilipino. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments