MAS MALAKING SUPORTA SA DRRM AT CLIMATE CHANGE ADAPTATION, HILING BAGO ANG SONA

Sa pabago-bagong panahon dulot ng climate change, at sa mga nagdaang bagyo pati na sa kapakanan ng ating mga magigiting na rescuers at responders, handa na nga ba ang Pangasinan at ang buong Pilipinas sa mga hamong dala ng mga sakuna tulad ng bagyo at lindol?

Sa mga lungsod na puno ng imprastraktura, sa mga lalawigan, at maging sa mga pamayanang nasa baybayin, sapat na ba ang ating paghahanda at matitibay na hakbang upang matiyak na hindi na tayo gaanong masasalanta ng bagyo, baha, at lindol?

Ano pa nga ba ang kailangan nating marinig at makita sa darating na SONA ni Pangulong Bongbong Marcos upang makatiyak ang bawat Pilipino na ang kaligtasan, kahandaan, at katatagan ng ating bansa laban sa mga kalamidad ay tunay na prayoridad?

Isa sa mga usaping inaasahang mabibigyang-pansin sa nalalapit na State of the Nation Address (SONA) ay ang pagpapalakas ng disaster preparedness at climate change adaptation ng bansa, lalo na sa gitna ng mas madalas at mas matitinding kalamidad na nararanasan ng Pilipinas.

Sa panayam ng IFM News Dagupan kay Vincent Chiu, Operations Head ng Pangasinan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), sinabi niyang sa mga nagdaang bagyo at iba pang sakuna ay agad na nakatugon ang kanilang tanggapan sa pagbibigay ng tulong sa mga residente, lalo na sa mga nakatira sa mga low-lying areas na madalas bahain.

Gayunman, aminado si Chiu na sa kabila ng kahandaan ng mga lokal na pamahalaan at mga rescue responders, hindi pa rin ganap na maiiwasan ang epekto ng mga kalamidad tulad ng pagbaha, lindol, at malalakas na bagyo. Aniya, patuloy na hinaharap ng mga responders ang iba’t ibang hamon sa pagsasagawa ng rescue at relief operations upang matulungan ang mga apektadong mamamayan.

Dahil dito, isa sa mga inaasahan niyang matalakay sa SONA ay ang agarang pagpasa ng Magna Carta for Public Disaster Risk Reduction and Management (DRRM) Workers. Ayon kay Chiu, malaking tulong ito upang mabigyan ng sapat na benepisyo, hazard pay, honoraria, at iba pang insentibo ang mga rescuers at responders na patuloy na nagsisilbi kahit nalalagay sa panganib ang kanilang sariling buhay tuwing may sakuna.

Sa ngayon, sinabi ni Chiu na sapat naman ang bilang ng kanilang mga tauhan upang tugunan ang mga insidente. Gayunpaman, kung kinakailangan ng karagdagang responders, agad naman umano silang humihingi ng augmentation mula sa iba pang ahensya at katuwang na organisasyon.

Dagdag pa niya, isa rin sa kanilang pangunahing kahilingan ang mas malaking pondo para sa mga tanggapan ng DRRM upang makabili ng karagdagang rescue equipment, mapalakas ang disaster preparedness programs, at mapabuti ang kanilang kakayahang tumugon sa anumang kalamidad.

Samantala, ayon sa panayam ng IFM News Dagupan sa ilang residente ng Pangasinan, umaasa silang mabigyang-solusyon ang matagal nang suliranin sa mga low-lying areas na madalas bahain. Anila, tuwing may malakas na ulan ay lumalala ang pagbaha dahil sa mga basurang bumabara sa mga daluyan ng tubig, na nagdudulot naman ng panganib sa kalusugan at kabuhayan ng mga residente.

Kabilang din sa mga panawagan ng mga residente at disaster responders ang pagtatayo ng mas maraming permanenteng evacuation centers, pagpapalakas ng early warning systems, pagdaragdag ng rescue equipment at regular na DRRM personnel, pagpapabuti ng flood control at drainage projects, at pagpapatupad ng mga programang makatutulong sa mga komunidad na makaangkop sa lumalalang epekto ng climate change.

Umaasa ang mga ito na mabibigyang-prayoridad sa nalalapit na SONA ang mga programang magpapalakas sa kahandaan ng bansa sa sakuna at magbibigay ng mas mabilis at mas epektibong pagtugon sa mga mamamayang apektado ng kalamidad. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments