KITA AT OPERASYON NG MSMEs SA PANGASINAN, APEKTADO NG BAHA AT TULUY-TULOY NA PAG-ULAN

Ramdam na rin ng ilang micro, small and medium enterprises o MSMEs sa Pangasinan ang epekto ng patuloy na pag-ulan at pagbaha, partikular sa kanilang kita at operasyon.
‎‎Sa panayam ng iFM News Dagupan, sinabi ni Department of Trade and Industry Pangasinan Provincial Director Natalia B. Dalaten na patuloy na mino-monitor ng ahensya ang kalagayan ng mga MSME na naaapektuhan ng masamang panahon.


‎Kabilang sa direktang naaapektuhan ang mga negosyo sa food sector gaya ng mga karinderya. Kapag malakas ang ulan o binabaha ang mga komunidad, nababawasan ang bilang ng mga customer at kasabay nito ang kanilang arawang kita.
‎‎May ilang maliliit na negosyante na simula pa noong Agosto ay nakararanas na ng epekto ng sunod-sunod na pagbaha.


‎Hindi rin ligtas sa epekto ang manufacturing sector. Nagiging hamon sa ilang negosyo ang transportasyon at pagkuha ng mga kinakailangang materyales at supplies kapag may mga kalsadang binabaha o mahirap daanan.

‎Kapag naaantala ang pagdating ng mga materyales, naaantala rin ang produksyon at operasyon, na maaari pang magresulta sa pagkalugi o pagbaba ng kita.

‎Bilang tugon, nagpapatuloy ang DTI sa monitoring at pagbibigay ng suporta sa mga apektadong MSMEs.

‎Kabilang dito ang Business Continuity Planning o BCP upang matulungan ang mga negosyo na makapaghanda at maipagpatuloy ang operasyon sa panahon ng kalamidad.

‎Isinasagawa rin ang profiling ng mga maaaring makinabang sa Pangkabuhayan sa Pagbangon at Ginhawa o PPG program.


‎Payo ng DTI sa mga MSME na magkaroon ng kaukulang paghahanda at contingency measures, lalo na kapag may mga weather advisory na maaaring makaapekto sa kanilang negosyo at operasyon. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments