DIGITAL TRANSFORMATION, ISA SA MGA PRAYORIDAD NI PBBM – DICT

Isa umano sa mga pangunahing prayoridad ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang digital transformation upang mapabilis, maging mas episyente, at mas maging accessible ang serbisyo ng pamahalaan sa mga Pilipino.

Sa panayam ng IFM News Dagupan kay DICT Undersecretary for Support Services Heherson M. Asiddao, sinabi nitong hindi lamang internet connectivity ang saklaw ng digital transformation kundi ang kabuuang modernisasyon ng pamahalaan sa pamamagitan ng digital technology.

Ayon sa DICT, malaki na ang naging pag-usad ng mga pangunahing programa ng pamahalaan.

Umabot na sa mahigit 59 milyong downloads ang eGovPH Super App, na nagsisilbing one-stop platform para sa iba’t ibang serbisyo ng gobyerno.

Sa ilalim naman ng Free Wi-Fi for All Program, halos 19,000 libreng Wi-Fi sites na ang naitayo sa buong bansa, kabilang ang mga paaralan, ospital, barangay, at mga geographically isolated and disadvantaged areas.

Isa lang umano ang mga ito sa pinaka layunin ng administrasyong Marcos na gawing mabilis ang paghahatid ng serbisyo sa publiko.

Noong July 23, pinalawak ang internet connection sa Brgy. Macaleeng, Anda, Pangasinan, isa sa mga isolated areas na target mabigyan ng internet ng DICT, sa pamamagitan ng paglalagay ng GIDA Tower.

Kasabay ng pagpapalawak ng digital transformation, pinalalakas din ng pamahalaan ang cybersecurity sa sektor ng edukasyon.

Noong Hulyo 2, inilunsad ng DepEd, katuwang ang DICT at PNP, ang mas pinaigting na kampanya laban sa lumalalang online threats sa mga paaralan, kabilang ang online terrorist grooming at iba pang digital risks na maaaring makaapekto sa kaligtasan ng mga mag-aaral.

Gayunman, sinabi ng DICT na nananatili pa ring hamon ang pagpapalawak ng internet access sa mga liblib na lugar, pagpapataas ng digital literacy, at pagpapalakas ng cybersecurity.

Sa nalalapit na State of the Nation Address ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr., nanindigan ang ahensya na kayang makipagsabayan ng bansa pagdating sa progreso sa digital transformation. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments