Magdalo sa Kamara, itinanggi ang kaugnayan kay alyas Bikoy at sa pagpaplano na idawit si Pangulong Duterte sa iligal na droga

Naniniwala si Magdalo Partylist Rep. Gary Alejano na inililihis ni Joemel Advincula alya Bikoy ang mga totoong nasa kalakaran ng iligal na droga sa bansa.

 

Ito ay matapos bawiin ni Bikoy ang kanyang mga naunang paratang kay Pangulong Duterte, sa pamilya nito at sa ilang kaalyado na dawit sa malaking transaksyon ng droga sa bansa.

 

Iginiit ni Alejano na pawang kasinungalingan lamang ang mga panibagong alegasyon ni alyas Bikoy na sina Sen. Antonio Trillanes, Sen. Risa Honteveros, Sen. Leila de Lima, ang Otso Diretso, at Liberal Party ang nasa likod ng “Ang Totoong Narcolist Video”.


 

Sinabi nito na “ridiculous” at walang katotohanan ang black propaganda na ibinibintang sa kanila ni alyas Bikoy.

 

Hindi rin daw sila magsasayang ng oras para makibahagi sa paggawa ng mga kuwento para lamang pabagsakin ang Duterte administration upang iluklok si Vice President Leni Robredo.

 

Pinuna din ng kongresista ang pagpahintulot ng PNP kay alyas Bikoy na magsalita sa media kahit hindi pa nasasala ang impormasyon na binitawan nito.

Facebook Comments