
Hati ngayon ang mga direktiba sa Senado matapos maglabas ng magkaibang abiso ang mga opisina nina Sen. Alan Peter Cayetano at Sen. Sherwin Gatchalian.
Naninindigan si Cayetano na siya pa rin ang Senate President, habang si Gatchalian ay nailuklok kahapon bilang Senate President Pro Tempore at Acting Senate President, na kinilala ng Malakanyang at ng Kamara.
Sa direktiba ni Cayetano, nakasaad ang pagpapatuloy ng mga pagdinig at imbestigasyon sa kabila ng sine die adjournment ng First Regular Session ng 20th Congress. Dahil dito, itinutuloy pa rin ngayong araw ang naunang itinakdang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay ng umano’y maanomalyang flood control projects, sa kabila ng mga pagbabago sa liderato at committee chairmanship.
Samantala, sa inilabas na abiso ni Gatchalian, pinahihintulutan ang work-from-home arrangement ngayong araw para sa mga empleyado ng Senate Secretariat at iba pang tanggapan sa mataas na kapulungan.
Ayon sa abiso, wala pang nakatakdang official business para sa araw na ito kasunod ng mga pagbabakante at pagsasaayos sa mahahalagang posisyon sa Senado.
Naglabas din ng notice ang Senate Blue Ribbon Committee na pinamumunuan ngayon ni Sen. Erwin Tulfo, kung saan ipinagpaliban hanggang further notice ang pagdinig kaugnay ng umano’y maanomalyang flood control projects.
Nauna nang sinabi ni Tulfo na sa Lunes itatakda ang pagpapatuloy ng imbestigasyon sa umano’y katiwalian sa mga flood control project upang mabigyan ng panahon ang komite na repasuhin ang mga dokumento at muling magpadala ng mga imbitasyon sa mga resource person matapos ang pagpapalit ng committee chairman.










