
Umaasa si House Senior Deputy Minority Leader at Mamamayang Liberal Party-list Rep. Leila de Lima na makababalik na sa maayos na pagtatrabaho ang Senado kasunod ng pagbabago sa liderato nito at muling pagsasagawa ng session kahapon.
Diin ni De Lima, tulad ng anumang tanggapan ng gobyerno, hindi dapat maparalisa ang Senado kaya sa ilalim ng bagong liderato ay dapat itong umusad at makapagtrabaho para sa kapakanan ng mga Pilipino.
Binigyang-diin naman ni House Deputy Speaker at Iloilo Rep. Janette Garin na isang magandang balita para sa mamamayang Pilipino ang muling pagbabalik sa trabaho ng Senado sa ilalim ng bagong liderato na pinangungunahan ni Sen. Win Gatchalian bilang bagong Senate President Pro Tempore.
Ayon kay Garin, kahanga-hanga ang pagtanggap ni Gatchalian sa responsibilidad na pangunahan ang Senado sa gitna ng masalimuot nitong sitwasyon.
Pinuri rin niya ang hakbang ni Sen. Francis “Chiz” Escudero na tumulong sa dating minorya upang makamit ang quorum at magampanan ang mandato ng kapulungan.










