Thursday, June 4, 2026

Pagpapalit ng mga committee chairman at liderato, labag sa Konstitusyon at Senate rules ayon sa ilang senador

Labag sa Konstitusyon at sa rules ng Senado ang ginawa kahapon ng bagong mayorya na palitan ang bumubuo sa liderato at ang mga nakaupong chairman ng mga komite.

Ito ang iginiit nina Senators Loren Legarda at Pia Cayetano matapos igiit ng Solid Bloc 12 na hindi na kinikilala si Sen. Alan Peter Cayetano bilang Senate President kasunod ng pagkakaluklok kay Sen. Sherwin Gatchalian bilang Senate President Pro Tempore at Acting Senate President.

Tinukoy ni Legarda ang Article VI, Section 16 (1) ng Konstitusyon kung saan nakasaad na ang Senate President ay inihahalal sa pamamagitan ng boto ng mayorya ng lahat ng miyembro ng Senado. Dahil 24 ang mga senador, kinakailangan ang 13 boto upang makabuo ng mayorya.

Samantala, iginiit naman ni Sen. Pia Cayetano ang Article VI, Section 2 ng 1987 Constitution kung saan ang Senado ay binubuo ng 24 na senador, at ang Section 16 (2) na nagsasaad ng pangangailangan ng mayorya ng bawat kapulungan upang makabuo ng quorum.

Ipinunto rin ni Sen. Alan Peter Cayetano ang Rule 2, Section 2 ng Senate Rules kung saan nakasaad na ang mga opisyal ng Senado ay dapat ihahalal ng mayorya ng lahat ng miyembro.

Kinuwestyon ng senador ang pahayag na sapat ang 12 boto, at iginiit na dapat ay 13 ang kinakailangang mayorya.

Binigyang-diin pa ni Sen. Pia Cayetano na ang 12 ay hindi 13, at ito ay alam kahit ng isang Grade 1 student.

Idiniin naman ni Sen. Loren Legarda na kung walang 13 boto, walang quorum at hindi dapat magsagawa ng opisyal na transaksyon ang Senado, kabilang ang pagpapalit ng committee chairman. Dagdag pa niya, ang pagliban sa sesyon ay hindi dapat gamitin upang tanggalan ang mga senador ng representasyon sa kapulungan.

Facebook Comments