
Nasabat ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) kasama ng Bureau of Internal Revenue (BIR), ang isang lalaki matapos makumpiskahan ng umano’y smuggled na sigarilyo sa Lanang, Davao City.
Kinilala ang suspek sa alyas na “Prin”, 35 years old at siya ay naaktuhang nagbebenta ng nasabing umano’y puslit na sigarilyo na galing pa umano sa Jolo, Sulu.
Narekober sa kanya ang 236 master cases at 34 reams ng sigarilyo na tinatayang nagkakahalaga ng higit ₱15.3 milyon o nasa 130 pesos per pack base sa pinakamababang na-monitor na presyo ng Department of Agriculture (DA) nitong July 30.
Ayon sa ulay ng pulisya, ang nasabing mga nakumpiskang sigarilyo ay walang Graphic Health Warnings, BIR Excise Tax Stamps, at walang anumang National Tobacco Administration (NTA) Import Commodity Clearance (ICC).
Dahil dito ang nasabing naarestong indibidwal ay nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act No. 12022 o ang Anti-Agricultural Economic Sabotage Act.









