Saturday, September 19, 2026

Pulis na tiyahin ng estudyanteng sangkot sa school shooting sa Tacloban City, pinakakasuhan na — DOJ

Kinumpirma ng Department of Justice (DOJ) na inirekomenda ng prosekusyon ang pagsasampa ng kaso laban sa pulis na tiyahin ng menor de edad na namaril sa Tacloban City.

Ito ay matapos ang isinagawang paunang imbestigasyon sa reklamong inihain ng mga magulang at estudyante ng San Jose National High School kasunod ng pamamaril sa loob ng eskwelahan na ikinasawi ng tatlong estudyante.

Ayon kay DOJ Spokesperson Atty. Polo Martinez, inirekomenda ng Office of the City Prosecutor ng Tacloban City ang paghahain ng kasong Reckless Imprudence Resulting in Multiple Homicide and Physical Injuries laban kay PSSG Arla Ray Pacencia.

Lumalabas sa imbestigasyon na ang baril ni Pacencia ang ginamit ng menor de edad sa pamamaril sa loob ng eskwelahan.

Sabi ni Martinez, inihain ang kaso sa Regional Trial Court ng Tacloban City.

Umaasa naman ang Justice Department na uusad ang proseso alinsunod sa due process para sa lahat ng panig.

Facebook Comments