Thursday, April 30, 2026

MAHIGIT 106,000 PULIS, IDE-DEPLOY NG PHILIPPINE NATIONAL POLICE PARA SA LIGTAS NA LABOR DAY 2026

Magpapakalat ng kabuuang 106,633 tauhan ang Philippine National Police (PNP) sa buong bansa upang tiyakin ang ligtas, maayos, at mapayapang paggunita ng Labor Day sa Mayo 1, 2026.

Sa kabuuang bilang, 95,556 ay mula sa PNP, 2,756 mula sa iba pang ahensya ng gobyerno, at 8,501 naman ang itinuturing na force multipliers.

Isasailalim din sa heightened alert status ang buong puwersa ng pulisya mula 12:01 AM ng Abril 30 hanggang 12:01 AM ng Mayo 2 upang matiyak ang kahandaan at mabilis na pagtugon sa anumang insidente.

Malaking bahagi ng deployment ay itatalaga sa Metro Manila kung saan 16,166 na tauhan ang ipapakalat sa ilalim ng National Capital Region Police Office (NCRPO).

Kabilang dito ang tig-1,000 augmentation personnel mula sa Police Regional Office 3 at Police Regional Office 4A upang palakasin ang seguridad sa mga pangunahing lugar ng pagtitipon.

Bahagi ang hakbang na ito ng pinaigting na seguridad ng PNP sa ilalim ng kanilang Focused Agenda, partikular sa Enhanced Managing Police Operations, na naglalayong palakasin ang presensya, koordinasyon, at mabilis na responde ng pulisya sa malalaking pagtitipon.

Tiniyak naman na handa ang kapulisan na panatilihin ang balanse sa pagitan ng pagpapatupad ng kaayusan at paggalang sa karapatan ng mga nagpoprotesta.

Patuloy namang nakikipag-ugnayan ang PNP sa iba pang ahensya ng gobyerno, lokal na pamahalaan, at event organizers upang masiguro ang maayos na daloy ng mga aktibidad sa buong bansa.

Nanawagan din siya sa mga lalahok sa mga aktibidad na makipagtulungan sa mga awtoridad at panatilihin ang mapayapang diwa ng paggunita ng Araw ng mga Manggagawa. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments