Monday, April 27, 2026

84 barangay sa Batangas na inireklamo ni Cong. Leandro Leviste na hindi nakasama sa ayuda, kulang sa papeles pero makakatanggap pa rin ng tulong — Malacañang

Nilinaw ng Malacañang Palace na walang barangay na sadyang inalis sa pamamahagi ng ayuda sa Batangas sa ilalim ng programang “Bawat Bayan Makikinabang.”

Pahayag ito matapos sabihin ni Batangas Congressman Leandro Leviste na 84 barangay mula sa kanyang distrito ang hindi umano naisama sa distribusyon ng ayuda, at hiniling niyang imbestigahan ang implementasyon ng programa.

Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, may ilang barangay na hindi nakapagsumite ng kumpletong dokumento kaya hindi agad nailabas ang pondo.

Kailangan aniya ang mga requirements upang maiwasan ang pagkuwestiyon ng Commission on Audit (COA) sa paggamit ng pondo.

Tiniyak din ng Palasyo na walang pinipiling kulay ang administrasyon at lahat ng barangay ay makatatanggap ng tulong basta makumpleto ang mga kinakailangang papeles.

Kaugnay naman sa alegasyon ng ilang barangay officials na may umano’y pananakot sa ilang punong barangay na dumalo sa programa, sinabi ni Castro na nakalulungkot ito kung totoo dahil mga residente ang nawawalan ng benepisyo.

Binigyang-diin pa ng Palasyo na hindi pulitika kundi kapakanan ng mamamayan ang dapat unahin sa pamamahagi ng ayuda.

Facebook Comments