
Nagsagawa ng house visitation at community dialogue ang mga tauhan ng Bayambang Municipal Police Station sa Barangay Pantol, Bayambang bilang bahagi ng kanilang pinalakas na kampanya para sa kapayapaan at seguridad sa komunidad.
Sa isinagawang aktibidad, direktang nakipag-ugnayan ang mga pulis sa mga residente upang talakayin ang mga paraan ng pag-iwas sa online at text scams.
Nagbigay rin sila ng impormasyon tungkol sa mga umiiral na ordinansa ng munisipyo at mahahalagang paalala sa road safety.
Binigyang-diin din sa dialogo ang patuloy na kampanya ng Philippine National Police laban sa ilegal na droga, ilegal na sugal, loose firearms, at iba pang kriminal na aktibidad.
Ayon sa pulisya, layunin ng naturang hakbang na palakasin ang ugnayan ng komunidad at kapulisan upang higit na mapatatag ang kooperasyon sa pagpapanatili ng kaayusan at seguridad sa lugar.
Dagdag pa ng mga awtoridad, mahalaga ang ganitong uri ng aktibidad upang mapalapit ang serbisyo ng pulisya sa publiko at mahikayat ang aktibong partisipasyon ng mga residente sa mga programang pangkapayapaan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










