
Cauayan City – Boluntaryong isinuko sa pulisya ang isang 12-anyos na batang lalaki matapos umano nitong aminin ang pagkakasangkot sa pagkamatay ng isang 3 taong gulang na babae sa Natonin, Mountain Province.
Kinumpirma ito ni Lieutenant Colonel Apdilon Chiday Galong ng Mountain Province Police Provincial Office ngunit hindi na ito nagbigay ng karagdagang detalye bilang pagsunod sa Juvenile Justice and Welfare Act of 2006 na nagbabawal sa pagbubunyag ng pagkakakilanlan ng mga menor de edad na sangkot sa kaso.
Itinuring ang bata bilang Child in Conflict with the Law o CICL alinsunod sa Republic Act No. 9344, habang isang 8-anyos na bata rin ang isinailalim sa pangangalaga ng social welfare authorities kaugnay ng kaso.
Ayon sa ulat, natagpuan ang walang buhay na katawan ng biktima sa likod ng St. Martin de Porres Chapel sa Sitio Batnong, Brgy. Banawel noong Mayo 24 matapos ang magdamagang search operation. Ayon sa pulisya, idineklarang dead on arrival ang bata sa Anastacia Rafael Sagel Memorial Hospital dahil sa traumatic brain injury.
Lumabas sa imbestigasyon na may dalawang menor de edad na nakita malapit sa Banawel Elementary School bago ang insidente. Una umanong itinanggi ng 12-anyos na bata ang anumang nalalaman sa kaso nang tanungin ng mga awtoridad.
Gayunman, naging kahina-hinala umano ito matapos magtanong sa kanyang ina kung ano ang maaaring mangyari sa isang menor de edad na nakagawa ng ganoong krimen. Kalaunan ay inamin umano nito ang kanyang pagkakasangkot kaya humingi ng tulong ang pamilya sa isang barangay official bago siya isinuko sa pulisya kinabukasan.
Ayon pa sa ulat, isinailalim sa magkahiwalay na interbyu ang dalawang bata sa presensya ng kanilang mga magulang, kinatawan ng Municipal Social Welfare and Development Office, at abogado mula sa Public Attorney’s Office.
Lumabas din umano sa imbestigasyon na nag-
inom ng gin ang dalawang bata bago naganap ang insidente malapit sa kapilya kung saan nakita ang biktima. Matapos ang pagsusuri, inirekomenda ng social welfare officers na isailalim sa intervention at involuntary commitment proceedings ang 12-anyos habang ang 8-anyos naman ay ibabalik sa pangangalaga ng kanyang mga magulang sa ilalim ng social welfare supervision.
Patuloy namang nagsasagawa ng mas malalim na imbestigasyon ang mga awtoridad habang mahigpit na sinusunod ang mga batas na nagpoprotekta sa pagkakakilanlan at kapakanan ng mga menor de edad na sangkot sa kaso.









