Tuesday, November 10, 2026

MAHIGIT 2,300 SENIOR CITIZENS SA BINMALEY, NAKATAKDANG TUMANGGAP NG SOCIAL PENSION; PAGPAPABILIS SA NAANTALANG CASH GIFTS, IPINANAWAGAN

Nakahanda na ang panibagong pamamahagi ng birthday gifts at social pension para sa mga senior citizen sa bayan ng Binmaley, Pangasinan ngayong Nobyembre.

Ayon sa Office for Senior Citizens Affairs o OSCA ng Binmaley, isasagawa sa Nobyembre 10 hanggang 12 ang pag-iikot sa mga barangay upang ipamahagi ang birthday gifts ng mga nakatatanda.

Tinatayang 2,300 senior citizens naman ang nakatakdang makinabang sa huling tranche ng social pension ngayong taon, mula sa dating 1,800 benepisyaryo.

Samantala, nananawagan din ang OSCA na mapabilis ang pagpapalabas ng mga naantalang cash gift mula sa National Commission of Senior Citizens o NCSC, partikular ang mga benepisyaryo mula 2024 hanggang 2026.

Sa ilalim ng Expanded Centenarians Act, may 10,000 pisong cash gift ang mga Pilipinong umaabot sa edad na 80, 85, 90 at 95, habang 100,000 piso naman para sa mga umaabot sa 100 taong gulang.

Iginiit din ng opisyal ang kahalagahan ng maagang pagproseso ng mga dokumento upang maiwasan ang pagkaantala ng benepisyo.

Bukod dito, patuloy nilang isinusulong ang universal pension para sa lahat ng senior citizens, sa halip na kasalukuyang sistemang may limitadong kwalipikasyon.

Binigyang-diin ng OSCA na mahalagang mapakinggan ang mga hinaing ng matatanda, lalo na sa mga usapin ng pensiyon, dokumentasyon at napapanahong pagtanggap ng kanilang mga benepisyo. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments