Tuesday, June 30, 2026

Pagpapatuloy sa imbestigasyon ng Kamara sa maanomalyang flood control projects, hiniling ni Rep. Leviste

Hiniling ni Batangas 1st District Representative Leandro Leviste sa House of Representatives na ipagpatuloy ang imbestigasyon sa maanomalyang flood control projects.

Magugunitang noong September 24, 2025 ay inihinto ng House Infrastructure Committee ang imbestigasyon para bigyang-daan ang pagsisiyasat ng Independent Commission for Infrastructure na natapos na ang trabaho noong March 31, 2026.

Sa inihaing House resolution number 1169 ay binigyang-diin ni Leviste na marami pang dapat busisiin sa pagdinig ng Kamara tulad ng mga dokumento sa tanggapan ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Maria Catalina Cabral at testimonya ng mga dating opisyal ng militar.

Ayon kay Leviste, ang mga naisampang kaso sa ngayon ay nakasentro lamang sa iilang tanggapan ng DPWH tulad ng Bulacan 1st District Engineering Office at MIMAROPA Regional Office sa kabila ng testimonya ni dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo na niluto ang halos “100%” bidding na isinagawa ng ahesya.

Ginawa ni Leviste ang paghahain ng resolusyon matapos syang dumalo kanina sa rally ng Iglesia ni Cristo (INC) sa EDSA People Power Monument na nananawagan ng pananagutan sa flood control scandal.

Facebook Comments