Saturday, June 27, 2026

Mga magsasagawa ng kilos-protesta, dapat sumunod sa napagkasunduang bilang mg mga dadalo sa White Ribbon event sa White Plains — NCRPO

Pinaalalahan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang mga magsasagawa ng kilos-protesta na sundin ang napagkasunduang dami ng dadalo sa kanilang event.

Ayon kay NCRPO Spokesperson Police Major Hazel Asilo, base sa memorandum of understanding ng PNP at iba’t ibang grupo dapat ay nasa 10,000 lamang ang bilang ng mga dadalo sa protesta.

Hindi na aniya ito dapat lumagpas pa sa naturang bilang dahil base sa kanilang permit ay limitado lamang ang espasyo na kanilang inaplayan.

Ito ay mula White Plains hanggang Temple Drive na magsisilbi ring drop-off point at magsisilbi ring parking space sa mga dadalo sa rally na may mga sasakyang.

Mahigpit din nilang ipagbabawal ang pag-okupa sa kahabaan ng EDSA.

Sa ngayon, wala namang natatanggap ang PNP na banta sa seguridad sa isasagawang kilos-protesta.

Pero hindi pa rin nagpapakampante dito ang PNP kayat tuloy-tuloy pa rin ang kanilang monitoring, intelligence report at koordinasyon sa iba pang law enforcement at government agency para masigurong ligtas ang lahat ng dadalo sa malaking kilos-protesta.

Una rito, aabot sa 9,553 na pulis ang ipakakalat ng National Capital Region Police Office upang tiyakin ang mapayapa, maayos, at ligtas na pagdaraos ng pagtitipon ng White Ribbon Movement Prayer and Indignation Rally bukas, Hunyo 28.

Ayon sa NCRPO, nakaposisyon na ang mga pulis sa iba’t ibang mahahalagang lugar sa Metro Manila kabilang ang People Power Monument, EDSA Shrine, Mendiola, Ayala Bridge, U.S. Embassy, major road, transport hubs, checkpoints, border control points at iba pa.

Facebook Comments