Isinagawa ang tatlong araw na commencement exercises mula Hulyo 28 hanggang 30, kung saan magkakahiwalay na ginawaran ng diploma ang mga nagsipagtapos mula sa iba’t ibang kampus ng unibersidad.
Sa ikatlong araw ng seremonya, naging Guest of Honor and Speaker si MMDA General Manager at dating Philippine National Police (PNP) Chief, Police General Nicolas Deloso Torre III. Sa kanyang mensahe, hinikayat niya ang mga bagong graduates na gamitin ang kanilang natutunan sa paglilingkod sa bayan at maging tapat sa kanilang napiling propesyon.
Sa nasabing seremonya, nagtapos ang 1,405 na estudyante mula sa PSU Bayambang Campus, habang 409 naman ang nagtapos mula sa PSU Binmaley Campus.
Nagbigay-pugay naman si PSU President Dr. Elbert L. Galas sa mga guro at kawani ng unibersidad dahil sa kanilang dedikasyon sa paghuhubog ng mga mag-aaral. Aniya, malaki ang naging ambag ng mga ito sa patuloy na tagumpay ng PSU, kabilang ang pagkakaroon ng mga topnotcher sa iba’t ibang licensure examinations at sa pagtatapos ng libu-libong mag-aaral ngayong taon.
Isa sa mga nagtapos ay si Kenneth Royce B. Ibuan, na nagtamo ng karangalang Magna Cum Laude. Ayon sa kanya, tila hindi pa rin siya makapaniwala sa kanyang natamong tagumpay at inilarawan niya itong isang “surreal” na karanasan dahil hindi niya inaasahang magtatapos siya nang may akademikong parangal.
Ibinahagi rin ni Brenda Ferrer, isa sa mga magulang ng nagtapos, ang kanyang labis na kasiyahan at pagmamalaki sa tagumpay ng kanyang anak. Aniya, sulit ang lahat ng sakripisyo at pagsisikap ng kanilang pamilya upang maabot ang mahalagang yugtong ito.
Sa pagtatapos ng seremonya, naging simbolo ang araw na ito ng tagumpay, tiyaga, at sakripisyo ng bawat nagtapos. Baon nila ang pag-asang makahanap ng magandang oportunidad sa trabaho, makatulong sa kanilang pamilya, at maisabuhay ang mga aral na natutuhan sa loob ng unibersidad habang nagsisilbi sa komunidad at sa bansa. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣







