Sa panayam ng IFM News Dagupan kay Gerald Dioquino, Donor Recruitment Officer ng R1MC, sinabi niyang kulang pa ang kasalukuyang blood stock dahil marami ang nangangailangan ng dugo kumpara sa bilang ng mga blood donor.
Dahil dito, muling nagsagawa ang R1MC ng blood donation drive noong Hulyo 29, 2026 sa SM Center Dagupan, para makapanghikayat pa ng mga residente, lalo na ng kabataan, na makibahagi sa regular na pagbibigay ng dugo.
Sinimulan ang aktibidad alas-10 ng umaga sa pamamagitan ng lecture tungkol sa blood donation advocacy at libreng hemoglobin blood typing para sa mga kalahok, habang isinagawa naman sa hapon ang “Dance for Heart.”
Nilinaw ng R1MC na hindi lamang pagdo-donate ng dugo ang layunin ng programa kundi pati ang pagsusulong ng healthy lifestyle.
Umabot sa humigit-kumulang 300 kalahok ang sumali sa buong programa, bilang bahagi ng paggunita sa National Blood Donation Month.
Patuloy namang nananawagan ang R1MC sa publiko na maging bahagi ng blood donation efforts upang makatulong sa pagpapanatili ng sapat na suplay ng dugo para sa mga pasyenteng nangangailangan nito sa Region 1. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣







