Wednesday, June 3, 2026

Majority Bloc, may paliwanag sa hindi pagdalo sa sesyon ng Senado

Nagpaliwanag ang majority bloc tungkol sa naging desisyon nila na hindi magka-quorum sa sesyon.

Sa statement na inilabas ng mayorya, layon ng hindi nila pagdalo sa sesyon ay para maprotektahan ang integridad ng imbestigasyon sa Senado partikular ang flood control scam sa kabila ng kabawasan sa bilang ng grupo.

Matapos ang pag-aresto kay Senator Jinggoy Estrada at ang patuloy na paghahanap kay Senator Bato dela Rosa, nabago nito ang takbo ng boto sa Senado pero hindi sa pagpapalit ng liderato kundi sa mga komite.

Nababahala ang majority bloc dahil may mga pagkilos para magkaroon ng kontrol ang minorya sa mga malalaking komite matapos ang kabiguan na makudeta ang kasalukuyang liderato.

Napuna rin ng mayorya ang anila’y magkaibang reaksyon ng publiko kaugnay sa mga parliamentary tactics na nangyari sa Senado kung saan ang walkout ng minority bloc ay dinepensahan bilang lehitimong paghahayag ng prinsipyo habang ang hindi pagkakaroon ng quorum ng mayorya ay tinitingnan bilang pagabanduna sa tungkulin.

Sinabi naman ni Senate President Alan Peter Cayetano na kailangang tingnan ang nangyayari sa Senado sa malaking konteksto ng katotohanan at hindi sila maging puppet o dependent na mataas na kapulungan.

Facebook Comments