
Umabot na sa 2,000 na mga ebidensya ang narekober ng Philippine National Police (PNP) Forensic Group sa Taal Lake kung saan 1,400 rito ay kinumpirma ng ahensya na buto ng tao.
Sa pulong balitaan na ginanap sa Kampo Krame sinabi ni PNP Forensic Group Director Col. Pierre Paul Carpio , ang nasabing mga narekober ay mula sa 134 na mga isinagawang operasyon sa lugar.
Kung saan, dumaan ang mga ito sa mediko legal, radiographic imaging, dental, DNA examination at iba pang mga tests.
Gayunman, wala pang nagpopositibo sa kanilang cross matching ngunit naniniwala si Carpio na may magpopositibo pa rin dito.
Tiniyak naman na patuloy ang pagsuyod nila kasama ng Philippine Coast Guard sa paligid ng Taal Lake para kumuha ng karagdagang mga ebidensya kaugnay ng kaso ng mga missing sabungeros.










