Monday, June 1, 2026

Malacañang, itinangging may bahid ng pulitika ang kaso ni Sen. Jinggoy; Kusang pagsuko ng senador, pabor sa Palasyo

Mariing itinanggi ng Malacañang na may bahid ng pulitika ang graft at plunder cases na kinakaharap ni Senador Jinggoy Estrada kaugnay ng umano’y anomalya sa mga flood control project.

Ayon kay Palace Press Officer at PCO Undersecretary Claire Castro, matagal nang iniimbestigahan ang usapin at nababanggit na ang pangalan ng senador sa mga pagdinig ng Senado at Kamara bago pa man magkaroon ng mga pagbabago sa hanay ng mayorya at minorya sa Senado.

Giit ni Castro, hindi maaaring gawing depensa ang paglipat sa minorya upang maibasura o mapahinto ang isang kasong dumaan sa wastong proseso ng imbestigasyon.

Samantala, sinabi ng Malacañang na positibong hakbang ang kusang pagsuko ni Estrada dahil naging maayos ang pagpapatupad ng batas at hindi na kinailangang habulin pa ng mga awtoridad.

Ikinumpara rin ito ni Castro sa ginawa ni Sen. Bato Dela Rosa na may kinahaharap na warrant of arrest ngunit pinipiling umiwas sa mga nagpapatupad ng batas.

Facebook Comments