Friday, September 25, 2026

Makati shooting, masusing pinaiimbestigahan ng NCRPO; nagbabala sa mga nagpapanggap na rider

Inatasan na ng National Capital Region Police Office o NCRPO ang Southern Police District o SPD na magsagawa ng masusi at malalim na imbestigasyon sa pamamaril sa isang condominium manager sa Makati City.

Ipinag-utos na rin ni NCRPO Officer-in-Charge Police Brigadier General Christopher Abrahano sa SPD at Makati City Police Station na gamitin ang lahat ng resources para matukoy, matunton, at maaresto ang mga suspek, gayundin ang motibo sa krimen.

Kabilang sa iniimbestigahan ang lahat ng CCTV footage at iba pang posibleng ebidensiya.

Base sa inisyal na imbestigasyon, nakasuot ng uniporme ng motorcycle ride-hailing service ang dalawang suspek.

Dahil dito, nagbabala si PBGen. Abrahano sa publiko laban sa mga kriminal na gumagamit ng pekeng uniporme, ID, helmet, at iba pang pagkakakilanlan ng mga lehitimong motorcycle ride-hailing rider upang maitago ang kanilang pagkakakilanlan habang gumagawa ng krimen.

Plano rin ng NCRPO na makipagpulong sa mga motorcycle ride-hailing company para pag-usapan ang mas mahigpit na paraan ng pagkilala sa mga lehitimong rider at maiwasan ang pang-aabuso sa kanilang pagkakakilanlan.

Samantala, hinikayat ng NCRPO ang publiko na agad iulat sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya ang anumang kahina-hinalang tao o aktibidad upang makatulong sa mabilis na paglutas ng kaso.

Kahapon nang pagbabarilin sa Chino Roces Avenue sa Barangay Pio del Pilar ng dalawang hindi pa nakikilalang suspek na sakay ng motorsiklo ang SUV ng babaeng biktima.

Nagtamo ang biktima ng tama ng bala sa hita at binti at agad na isinugod sa ospital para sa agarang gamutan.

Facebook Comments