Thursday, September 24, 2026

Mga botante matagal pang maghihintay para makapili ng bagong BSKE officials kung ipagpapaliban ulit ang halalan — election lawyer

Muling iginiit ng election lawyer na si Atty. Romulo Macalintal ang kaniyang pagtutol sa isinusulong na pagpapaliban sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) na nakatakda ngayong Nobyembre.

Sa isang pahayag, sinabi ni Macalintal na nagresulta na sa isang taon na pagkaantala at pagpapahaba sa panunungkulan ng mga barangay at SK officials ang unang postponement ng BSKE mula December 2025 patungong November 2026.

Kung muli aniyang ipagpapaliban ang halalan sa November 2028 ay aabot sa tatlong taon ang kabuuang delay mula sa original na schedule noong nakaraang taon.

Ayon kay Macalintal, nangangahulugan ito ng mas matagal na panahon pa ang hihintayin bago muling makapili ang mga botante ng kanilang mga leader sa barangay at SK.

Iginiit din nito ang 2023 ruling ng Korte Suprema kung saan nakasaad na ang postponement ng halalan ay dapat nakabatay sa tunay, mahalaga at compelling na dahilan at hindi dapat humantong sa hindi makatwirang haba ng pagitan ng mga halalan.

Noong November 2025 nang pagtibayin ng Kataas-taasang Hukuman ang batas na nagtatakda ng apat na taong termino para sa barangay at SK officials at nakasaad na sa November 2026 ang susunod na halalan.

Facebook Comments