
Umalma ang Malacanang sa pasaring ni dating Presidential Spokesperson Harry Roque sa papel ng Presidential Communications Office (PCO) sa pamahalaan.
Sa isang video message kamakailan, sinabi ni Roque na mahirap maging isang salesman ng isang bulok na produkto dahil tiyak na mahirap itong ibenta.
Pero sa press briefing ngayong araw, iginiit ni PCO Usec. at Palace Press Officer Atty. Claire Castro na hindi trabaho ng PCO na ibenta ang si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., o ang gobyerno.
Ayon kay Castro, sila ay messenger o tagapaghatid ng mensahe na nagpapakita ng maaaring makuha ng publiko sa gobyerno, at kung ano ang pwedeng itulong ng pamahalaan sa publiko.
Sinigundahan din ni Castro ang sinabi ni Roque na mahirap talagang ibenta ang isang tao kung ito ay bulok o may negatibong reputasyon.
Lalo aniyang nagiging mahirap ang trabaho ng isang tagapagsalita kung kailangang linisin o palusutin ang mga pahayag ng isang opisyal, lalo na kung ang madalas na sinasabi nito ay laging inihihirit na joke o biro lamang.