
Dalawang beses na nakatanggap ng standing ovation si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang ikalimang State of the Nation Address (SONA).
Ang unang standing ovation ay nang hilingin ng Pangulo sa Kongreso ang agarang pag-amyenda sa Electric Power Industry Reform Act o EPIRA upang alisin ang pagpapasa ng system loss charges at kaugnay nitong value-added tax (VAT) sa mga consumer.
Ayon sa Pangulo, hindi dapat ipinapasa sa mga mamamayan ang gastos sa system loss dahil hindi sila ang may pananagutan dito.
Natanggap naman ng Pangulo ang ikalawang standing matapos niyang igiit na hindi uurong ang Pilipinas sa pagtatanggol sa karapatan at soberanya nito sa West Philippine Sea.
Binigyang-diin ni Marcos na mananatiling matatag ang bansa sa harap ng anumang pananakot at patuloy na ipaglalaban ang tagumpay ng Pilipinas sa 2016 Arbitral Award sa mapayapa at naaayon sa batas na paraan.
Bukod sa dalawang standing ovation, 64 na beses ding naputol ang talumpati ng Pangulo dahil sa palakpakan, batay sa opisyal na transcript ng SONA.
Karamihan sa mga ito ay sa mga bahagi ng talumpati tungkol sa laban sa korapsyon, murang kuryente, mga programang ayuda, imprastraktura, edukasyon, kalusugan, at paglikha ng trabaho.
Isa sa mga unang umani ng malakas na palakpakan ang pahayag ni Marcos na pananagutin ang mga sangkot sa umano’y iregularidad sa mga flood control project, kahit kabilang dito ang kanyang pinsan na si dating House Speaker at Leyte Representative Martin Romualdez.
Hindi naman tinalakay ni Pangulong Marcos sa kanyang SONA ang mga usaping pulitikal tulad ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte at ang kaso ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC).
Tumagal ng isang oras at dalawampu’t anim na minuto ang ikalimang SONA ni Pangulong Marcos, ang pinakamahaba niyang SONA mula nang maupo sa puwesto noong 2022.










