
Tiniyak ng Malacañang na nakahanda ang pamahalaan sa posibleng epekto ng pagsisimula ng mainit na panahon kasunod ng naitatalang mataas na heat index o damang init sa ilang lugar bansa.
Ayon kay Palace Press Officer Usec. Claire Castro, patuloy na kinokolekta at inaayos ng Palasyo ang mga action plan o planong tugon sa inaasahang epekto ng pagsisimula ng tag-init.
Mas mainam aniya kung susundin muna ng publiko ang payo ng Department of Health para maiwasan ang anumang problema o perwisyo ng matinding temperatura.
Sa ngayon, wala pa aniyang nakikita ang gobyerno na potensyal na epekto sa ekonomiya at sa sektor ng agrikultura ang pagsisimula ng mainit na panahon, pero tiniyak din niyang nakahanda ang pamahalaan sa pagtugon.
Ngayong araw, ilang lungsod na ang nagsuspinde ng face-to-face classes sa mga paaralan dahil sa mataas na heat index.
Batay sa forecast ng PAGASA, inaasahan ang mataas na heat index ng publiko sa Muñoz, Nueva Ecija, Quezon City, at Clark, Pampanga ngayong araw.