
Muling sinisiguro ni Manila City Mayor Isko Moreno na mas palalakasin pa ng kaniyang administrasyon ang mga nakalinyang proyekto at programa para sa bawat Manileño.
Sa Kapihan sa Manial Prince Hotel, sinabi ng alkalde na mas lalo pa nilang tinututukan ang mga programa sa pabahay, kalusugan at maayos na komunidad.
Aniya, ang mga ito ay kaniyang sinisiguro na makakarating sa bawat pamilyang Manileño lalo na ang mga lubos na nangangailangan.
Muli niyang iginigiit na prayoridad nila sa ngayon ay ang kalusugan ng bawat residente ng lungsod kung saan inuuna niya ang mga kabataan at mga senior citizen.
Kaugnay nito, unang iniutos ng alkalde sa City Engineer’s Office at Parks Development Office (PDO) na magsagawa ng redevelopment at landscaping ng center island sa Pres. Quirino Avenue Extension na humigit-kumulang 120 metro at sa Pres. Quirino Avenue mula A. Linao Street hanggang Pres. Osmeña Highway na may sukat na humigit-kumulang 300 metro.
Ang proyekto ay bahagi ng patuloy na beautification at urban greening program ng lungsod kung saan ang makikinabang dito ay ang mga residente na malapit sa lugar.










