
Patuloy sa pagtanggap ng mga documentary evidences ang Office of the Clerk of Court ng Senate Impeachment Court ngayong araw para sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Ito ay bilang pagtalima sa inisyung subpoena ng Senate Impeachment Court sa mga financial records ni VP Duterte, ang asawa nitong si Atty. Manases Carpio at ang 19 na negosyo nito.
Hanggang nitong tanghali ay natanggap na rin ng Clerk of Court ang bank records ng bise presidente at Carpio.
Kabilang dito ang (1) BDO Unibank, Inc.;(2); Philippine Savings Bank (PSBank); (3) Metropolitan Bank & Trust Company (Metrobank); at (4) Security Bank Corporation.
Ang mga ito ay tinanggap ni Clerk of Court Atty. Renato Bantug Jr., at dumaan sa imbentaryo matapos na ma-receive.
Nauna na ring naiulat ang pagtanggap sa mga tax records ni VP Duterte mula sa Bureau of Internal Revenue (BIR) na nakasilid sa dalawang pulang kahon.










