
Hinamon ng Malacañang ang kampo ni Vice President Sara Duterte na maglabas ng matibay na ebidensya upang patunayan ang umano’y “Operation Romanov” na sinasabing banta sa kanya at sa kanyang pamilya.
Ayon kay Palace Press Officer Usec. Claire Castro, nasa depensa ang pananagutan na patunayan ang naturang alegasyon dahil ito ang kanilang iniharap sa impeachment trial.
Agad namang nagpadala ng liham noon sa bise presidente ang National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay sa sinasabing death threats laban sa kaniya ngunit hindi ito sumagot.
Iginiit din ng Palasyo na hindi maaaring gawing katwiran ang sinasabing “Operation Romanov” upang ipaliwanag ang pagbabanta laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ang pagbabanta aniya ay nananatiling pagbabanta at hindi dapat ito palampasin.










