
Iminungkahi ni Senator-judge Migz Zubiri ang pagkakaroon ng batas na magpaparusa laban sa mga magbabanta sa kaligtasan at buhay ng presidente, bise presidente at mga constitutional successors ng pangulo.
Sa impeachment trial ay naitanong ni Zubiri sa testigong si National Bureau of Investigation (NBI) Agent John Mark Calilung kung may batas ba na sumasaklaw sa pagpaparusa sa mga magbabanta sa buhay ng mga pinakamatataas na opisyal ng bansa.
Gayunman, sinabi ni Calilung na may kapangyarihan lamang ang NBI sa ilalim ng charter nito na mag-imbestiga sa mga banta laban sa presidente, bise presidente, Senate president at Supreme Court at ang kaso para rito ay lilitisin sa ilalim ng general provision ukol sa grave threats.
Dahil dito, inirekomenda ni Zubiri na ikunsidera ng Kongreso ang pagbalangkas ng batas kahalintulad sa Estados Unidos na itinuturing na krimen ang mga banta laban sa kanilang pangulo, ikalawang pangulo at mga successors ng mga ito.
Sa tingin ni Zubiri ay napapanahon na ang ganitong batas sa bansa na partikular na magpapataw ng parusa laban sa mga pagbabanta sa matataas na opisyal ng bansa.










