
Pinuna ni House Assistant Minority Leader at Gabriela Women’s Party Rep. Sarah Elago na panay ayuda, subsidy, at iba pang pansamantalang ginhawa ang karamihan sa inihayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr sa kanyang State of the Nation Address (SONA).
Ayon kay Elgao, hindi naman makakatugon ang mga ayuda sa ugat ng krisis o mga problema hangga’t nananatili ang mga patakarang nagpapataas ng presyo ng mga bilihin at nagpapahirap sa mamamayan.
Diin ni Elago, ang kailangan ng mamamayan ay hindi paulit-ulit na ayuda kundi isang ekonomiyang nakasentro sa pangangailangan ng tao kaysa tubo.
Giit ni Elago, dapat alisin ang Value Added Tax (VAT) sa mga batayang bilihin at serbisyo, ibasura ang EPIRA sa halip na amyendahan lamang, palakasin ang lokal na produksyon upang makalikha ng mas maraming trabaho at higit sa lahat itaas ang sahod ng mga manggagawa tungo sa nakakabuhay na antas.










