Malacañang, kinondena ang mga kandidatong gumagamit ng bastos na pahayag sa pamamahayag

Mariing kinondena ng Malacañang ang pag-gamit ng mga bastos na pahayag ng ilang mga kandidato sa pangangampanya.

Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, sinabi ni Pangulong Marcos na unacceptable at hindi katanggap-tanggap ang ganitong naratibo dahil dapat mapanatili ng bawat kandidato ang pagsulong ng respeto, integridad, at katotoohan habang nagbibigay ng pangako sa mga botante.

Dagdag pa ni Castro, hindi dapat na gawing idolo ang ganitong klaseng pulitiko at higit sa lahat ay hindi dapat pamarisan.

Kung noon aniya ay pinapalakpakan ang mga lider na nagsasalita ng walang karespe-respetong pahayag sa mga kababaihan, ipinagmamalaki ang pambababae ng mga kakalakihan, at ginagawang biro ang rape, ngayon aniya ay hindi na ito papayagan sa panahon ni Pangulong Marcos.

Bilin ng Palasyo, kailangang manaig palagi ang respeto sa mga kandidatong nagnanais na maging lider ng bansa.

Gayunpaman, sinabi ni Castro, na masaya naman ang Pangulo sa mabilis na pag-aksyon ng Comelec sa ganitong klaseng pahayag ng mga kandidato.

Facebook Comments