
Bibiyahe si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Canada mula July 1 hanggang 4 kasunod ng imbitasyon ni Canadian Prime Minister Mark Carney.
Pangunahing layunin ng official visit na palawakin ang kalakalan, pamumuhunan, at kooperasyon ng Pilipinas at Canada sa depensa, seguridad, enerhiya, artificial intelligence (AI), at iba pang mahahalagang industriya.
Makikipagpulong ang Pangulo kay Carney upang talakayin ang pagpapalalim ng ugnayan ng dalawang bansa at ang mga isyung panrehiyon, kabilang ang Indo-Pacific at ang ASEAN Chairmanship ng Pilipinas.
Makikipagkita rin si Marcos sa mga negosyante upang makahikayat ng pamumuhunan at negosyo sa bansa.
Kasama rin ng pangulo si First Lady Liza Araneta-Marcos sa pakikipagpulong sa Filipino community sa Vancouver bilang pagkilala sa ambag ng mga Pilipino sa matatag na relasyon ng Pilipinas at Canada.
Ito ang unang official visit ng isang pangulo ng Pilipinas sa Canada sa loob ng mahigit isang dekada.
Huling bumisita sa Canada si dating Pangulong Benigno Aquino III noong 2015.










