
Inatasan na ng Office of the Ombudsman sina dating Senate President Sen. Alan Peter Cayetano, Sen. Robin Padilla, at dating Acting Sergeant-at-Arms Mao Aplasca na sagutin ang kasong isinampa ng grupong kinabibilangan ni Francis Joseph Aquino Dee.
May kinalaman ito sa kasong paglabag umano sa Presidential Decree No. 1829 o Obstruction of Justice kaugnay ng umano’y pagtakas ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa habang nasa kustodiya ng Senado.
Sa order na nilagdaan ni Assistant Ombudsman Moreno Generoso, binigyan ang mga respondent ng labinlimang (15) araw mula sa pagtanggap ng kautusan upang magsumite ng kanilang counter-affidavit.
Batay sa dalawang pahinang kautusan, mahigpit na ipinagbabawal ng Ombudsman ang anumang motion for extension of time, motion to dismiss, motion for bill of particulars, at iba pang dilatory motions at pleadings upang hindi maantala ang pag-usad ng kaso.
Babala ng Ombudsman, kapag hindi nakapaghain ng sagot ang mga respondent sa takdang panahon o tumangging tanggapin ang order, ituturing na isinumite para sa resolusyon ang reklamo.
Personal na natanggap nina Cayetano at Padilla ang kopya ng order noong June 24, 2026, alas-10:15 ng umaga.
Batay sa complaint-affidavit ng Tindig Pilipinas, sa kabila ng umiiral na warrant of arrest ng ICC para sa kasong crimes against humanity kaugnay ng madugong war on drugs ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, pinayagan umano nina Cayetano, Padilla at Aplasca si Dela Rosa na magtago at makaiwas sa kamay ng batas.










