
Inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Department of Transportation (DOTR) na agarang resolbahin ang problema sa right of way sa LRT 1 Cavite Extension Project.
Ayon kay Palace Press Officer at PCO Usec. Claire Castro, naiinip na ang pangulo sa matagal na pagkabinbin ng proyekto at iginiit na hindi dapat ang mga commuter ang magdusa dahil lamang sa hindi maresolbang isyu.
Binigyang diin ni Castro na umabot na sa ₱64.9 bilyon ang inilaan para sa proyekto, katuwang ang pondo mula sa Japan International Cooperation Agency (JICA) at ng private operator na Light Rail Manila Corporation.
Nilinaw ni Castro na hindi ang pamahalaan ang dahilan ng pagkabinbin ng proyekto at nanawagan sa lahat ng stakeholders na huwag maging hadlang sa implementasyon nito.
Ang kapakanan aniya ng mga pasahero ang dapat manaig, hindi ang interes ng iilang kumpanya o politiko.










