
Naniniwala ang Malacañang na nakabatay sa ebidensya at hindi sa pulitika ang kasong plunder at graft na isinampa laban kay Senador Rodante Marcoleta.
Sa press conference dito sa Vancouver, sinabi ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, may pagkakataon si Marcoleta na depensahan ang sarili sa tamang proseso ng batas, habang tungkulin ng pamahalaan na usigin ang sinumang may sapat na ebidensya ng katiwalian.
Aniya, malinaw ang polisiya ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na panagutin ang lahat ng sangkot sa korapsyon, anuman ang kanilang posisyon.
Itinanggi rin ng Palasyo ang alegasyong selective justice, at sinabing nakasaad sa resolusyon ng Ombudsman ang mga batayan at ebidensyang ginamit sa pagsasampa ng kaso.
Giit pa ni Castro na hindi kumurap ang gobyerno sa anumang pressure o protesta.
Tungkulin aniya ng mga imbestigador at hukuman ang kanilang tungkulin upang mapanagot ang sinumang mapatutunayang nagkasala.










