MALUBAK AT MAPUTIK NA KALSADA, PROBLEMA TUWING MAULAN SA BRGY. MALIGAYA

Cauayan City – Isa sa mga suliranin sa Brgy.Maligaya, Cauayan City ay ang maputik at malubak na kalsada tuwing maulan ang panahon.

Sa naging panayam ng iFM News Team kay kagawad Joseph Bergonia, sinabi nito na wala pang nasesementong daan sa mga kalye o sa papasok na bahagi ng kanilang barangay.

Aniya, tuwing ganitong maulan ang panahon, malimit na mahirapan ang mga residente lalo na ang mga motorsiklo sa pagtawid sa mga kalsada dulot ng maputik na daan dahil madalas, kung hindi namamatayan ng makina ay nasisiran naman ng kadena ang mga ito.

Sinabi nito na ang pagsasaayos ng mga kalsada ang isa sa pinaka kailangan nilang tutukan kaya naman plano nila itong pagtuunan ng pansin ngayon.

Gayunpaman, dahil sa mahabang proseso ng pagre-request ng proyeto at kakulangan sa budget, pansamantala ay graveling o ang paglalagay ng bato sa kalsada muna ang nakikita nilang solusyon sa suliraning ito.

Itataon rin umano nila ang pagsasaayos sa panahon ng tag-init upang tiyak na hindi masayang at magawa ng maayos ang proyekto.

Facebook Comments