Marijuana Brick at Shabu, Nasamsam; Suspek, Arestado

25
Cauayan City, Isabela- Arestado ang isang ahente ng palay na itinuturing na high value target personality matapos ang ikinasang drug buy-bust operation ng mga kasapi ng PNP Cauayan at PDEA Isabela dakong alas-12:00 ng hatinggabi sa Purok 4, Marabulig 2, Cauayan City, Isabela.

Kinilala ang suspek na si Teodoro Macarilay Jr., 49-anyos, may asawa at residente ng Purok 1, San Lorenzo Subdivision, Barangay Marabulig 1 sa nasabing lungsod.

Dinakip si Macarilay matapos umanong bentahan ng isang pakete ng hinihinalang shabu ang isang PDEA agent na nagpanggap na poseur buyer kapalit ang P2,000 marked money.

Nakuha rin sa kanyang pag-iingat ang siyam (9) na piraso ng pakete ng shabu, isang bloke ng pinatuyong dahon ng marijuana na tinatayang nagkakahalaga ng P6,000, cellphone, Navara pick up at drug paraphernalias.

Ayon pa sa mga awtoridad, matagal na nilang binabantayan ang kilos ng suspek matapos ituro ng naunang nahuling suspek na si Macarilay ay isa rin sa nagbebenta ng droga.

Samantala, itinanggi naman ni Macarilay na sa kanya ang mga nakuhang droga.



Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Facebook Comments