Friday, October 16, 2026

Lead House prosecutor Rep. Luistro, nag-sorry dahil sa wacky photo sa loob ng Senate Session Hall

Sa ngalan ng buong House Prosecution Panel ay nag-sorry si Lead Prosecutor at Batangas Rep. Gerville Luistro kay Senate President Sherwin Gatchalian.

Ang paghingi ng paumanhin ni Luistro ay kasunod ng pagpuna ni Gatchalian sa nag-viral na “wacky” photo ng mga miyembro ng House Prosecution Team sa loob ng Session Hall ng Senado.

Ayon kay Gatchalian, pinapaimbestigahan na niya ang wacky photos dahil sagrado ang session hall at ang buong Senado kung saan ginagawa ang mahalagang mga batas kaya dapat itong respetuhin.

Diin naman ni Luistro, wala silang intensyon na gawing katawa-tawa ang Senado.

Paliwanag ni Luistro, sa nasabing larawan ay hindi lang nila napigilan ang kanilang tuwa at excitement dahil sa tatlong linggong break ng impeachment trial na magbabalik sa November 9.

Dagdag pa ni Luistro, seryoso ang mga naunang larawan nila pero biglang may nagsabing wacky naman kaya ganun ang kinalabasan.

Facebook Comments