MARIJUANA PLANTATION SA SUGPON-KIBUNGAN BORDER, PINUKSA; HALAGA UMABOT SA ₱2.19M

Umabot sa ₱2.192 milyon ang halaga ng mga halamang marijuana na binunot at sinira ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Regional Office 1 at Police Regional Office 1 (PNP PRO 1) sa isang pinagsanib na operasyon sa hangganan ng Sugpon, Ilocos Sur at Kibungan, Benguet.


‎Isinagawa ang dalawang araw na High-Impact Operation (HIO) mula Setyembre 10 hanggang 11, 2026 sa isang lugar sa Barangay Licungan, Sugpon, Ilocos Sur at Barangay Tacadang, Kibungan, Benguet.

‎Pinangunahan ang operasyon ng PDEA Ilocos Sur Provincial Office katuwang ang Sugpon Municipal Police Station na pinamumunuan ni PCPT Alden Isang, 103rd Mobile Company ng RMFB 1, ISPIDMU, ISPDEU, at PIT Ilocos Sur.

‎Tinatayang 1,760 metro kuwadrado ang lawak ng target na lugar, kung saan natuklasan at nabunot ang kabuuang 10,960 fully grown marijuana plants na nagkakahalaga ng ₱2,192,000 batay sa DDB Standard Value.


‎Walang cultivator na naaresto sa lugar. Patuloy naman ang beripikasyon sa pagmamay-ari ng lupain at follow-up investigation kaugnay ng operasyon. Ligtas ding nakabalik ang lahat ng personnel na lumahok sa operasyon.


‎Ayon kay PDEA RO1 Director Julius M. Paderes, PhD, magpapatuloy at palalakasin ng ahensya ang kampanya laban sa mga taniman ng marijuana upang mapigil ang suplay nito sa rehiyon.

‎Hinimok din ni Paderes ang mga lokal na opisyal ng pamahalaan na makipagtulungan upang matigil ang naturang ilegal na aktibidad na aniya ay nakasisira sa kinabukasan ng kabataan at sa imahe ng kanilang mga lokal na pamahalaan.

‎ ‎Kaugnay nito, ihahain ang mga kaso laban sa mga hindi pa nakikilalang cultivator dahil sa paglabag sa Section 16 (Cultivation of Dangerous Drugs), Article II ng Republic Act No. 9165. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments