LALAKI, PINAGSASAKSAK NG KASINTAHAN NG KAPATID DAHIL SA UMANO’Y DATING ALITAN

Tatlong saksak sa likod ang tinamo ng isang 26 anyos na lalaki matapos umanong pagtulungang bugbugin at saksakin ng apat na suspek, kabilang ang dalawang menor de edad, sa Barangay Sto. Domingo, Urdaneta City, madaling-araw nitong Setyembre 13, 2026.

‎Ayon sa pulisya, alas-3:55 ng madaling-araw nang ireport sa kanilang himpilan ang insidente.

‎Naganap ang pananaksak sa gilid ng isang restobar kung saan nakikipag-inuman ang biktima kasama ang kanyang mga kaibigan.


‎Kabilang din umano sa mga naroon ang 19 anyos na lalaking kinilala ng biktima bilang kasalukuyang nobyo ng kanyang kapatid.

‎Batay sa salaysay ng isang saksi, nag-usap umano ang biktima at ang 19 anyos na suspek at nabanggit ang dati nilang hindi pagkakaunawaan.

‎Kalaunan, habang umiihi ang biktima sa gilid ng restobar, nilapitan umano ito ng mga suspek, pinagtulungan at tatlong beses na sinaksak sa likod.

‎Matapos ang insidente, mabilis na tumakas ang mga suspek sakay ng kulong-kulong.

‎Agad namang nagsagawa ng hot pursuit operation ang mga tauhan ng Urdaneta Police Station na nagresulta sa pagkakaaresto sa dalawang suspek na nasa wastong gulang.

‎Samantala, iniendorso naman sa Department of Social Welfare and Development o DSWD ang dalawang menor de edad na suspek.


‎Isinugod sa ospital ang biktima at kasalukuyan nang nasa stable condition habang patuloy na nagpapagamot.

‎Nagpaalala naman ang kapulisan, lalo na sa mga kabataan, na sumunod sa umiiral na mga batas at iwasan ang pakikisangkot sa gulo upang hindi mauwi sa mas malubhang insidente.


‎Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya at ang kaukulang disposisyon laban sa mga suspek. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments