ALAMINOS CITY, ISINAILALIM NA SA STATE OF CALAMITY DAHIL SA MALAWAKANG PINSALA NG TULOY-TULOY NA ULAN

Idineklara ng Sangguniang Panlungsod ng Alaminos ang lungsod sa ilalim ng State of Calamity dahil sa malawakang pinsalang dulot ng tuloy-tuloy na malakas na ulan, Enhanced Southwest Monsoon, at Tropical Cyclones “Luis,” “Maymay,” at “Neneng.”

‎Sa pamamagitan ng Resolution No. 2026-188, na inaprubahan noong Setyembre 8, sinabi ng konseho na nagdulot ang sama ng panahon ng matinding pagbaha at pinsala sa mga bahay, ari-arian, imprastraktura at kabuhayan ng mga residente.

‎Dahil sa deklarasyon, maaaring magamit agad ng City Government of Alaminos, sa pamumuno ni Mayor Art Celeste, ang calamity fund at iba pang resources para sa relief, rehabilitation, at iba pang pangangailangan ng mga residenteng naapektuhan.

‎Layunin ng hakbang na mapabilis ang pagbibigay ng tulong at ang pagbangon ng lungsod mula sa pinsalang dulot ng kalamidad.


‎Samantala, nauna nang idineklara ang buong Pangasinan sa State of Calamity noong Agosto 31, sa pamamagitan ng Provincial Resolution No. 985-2026 dahil din sa epekto ng Enhanced Southwest Monsoon at Tropical Cyclones “Luis,” “Maymay,” at “Neneng.” | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments