Nananawagan ang ilang residente ng Barangay Unzad, Villasis, Pangasinan ng agarang aksyon kaugnay sa iniulat na kakulangan ng suplay ng tubig sa kanilang lugar sa nakalipas na mga araw.
Batay sa reklamong ibinahagi at ipinadala sa IFM News Dagupan, umaabot na umano sa tatlong araw na walang tubig ang ilang kabahayan, na nagdudulot ng hirap sa kanilang pang-araw-araw na gawain.
Bilang pagprotekta sa nagpadala ng impormasyon, piniling huwag ilahad ang kanyang pagkakakilanlan.
Ayon sa reklamo, may pahayag umanong naiparating sa kanila na posibleng maresolba ang isyu ngayong lunes.
Ibinahagi rin na bago ang pagkawala ng suplay, may mga pagkakataon umanong marumi ang tubig na natatanggap sa kanilang lugar.
Dagdag pa sa ulat, wala pa umanong natatanggap na malinaw na update ang ilang residente hinggil sa mga hakbang para maresolba ang problema, at wala rin umanong naibibigay na pansamantalang alternatibo.
Dahil dito, umaasa ang mga apektadong residente sa agarang tugon at malinaw na impormasyon mula sa kinauukulan upang matugunan ang sitwasyon.








