
Umabot sa 789 benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa San Carlos City, Pangasinan ang pormal na nagtapos sa programa matapos maabot ang antas ng self-sufficiency o Level 3, na nangangahulugang may matatag na kabuhayan na ang mga pamilya at kaya nang tugunan ang pangangailangan sa pagkain, kalusugan, at edukasyon ng kanilang mga anak.
Sa seremonya kahapon, Abril 22, 2026, sabay-sabay na tinanggap ng mga pamilya ang kanilang mga sertipiko ng pagtatapos bilang pagkilala sa kanilang pagsusumikap at unti-unting pag-ahon mula sa kahirapan sa tulong ng programa at iba pang livelihood interventions.
Bilang bahagi ng pagkilala at suporta, tumanggap din ang bawat pamilya ng limang kilong bigas mula sa lokal na pamahalaan bilang simpleng gantimpala at tulong sa kanilang patuloy na pag-unlad.
Ayon sa mga kinauukulan, ang mga nagtapos ay sumailalim sa mahigpit na case monitoring at capacity-building activities sa loob ng ilang taon, kabilang ang mga pagsasanay sa pamamahala ng pamilya, kabuhayan, at responsableng paggamit ng tulong mula sa programa.
Kinilala ng Department of Social Welfare and Development Field Office 1 – Ilocos Region ang tagumpay ng mga pamilya bilang patunay na epektibo ang 4Ps sa paghubog ng self-reliant na mga komunidad at sa pagbibigay ng pangmatagalang oportunidad para sa mas maayos na pamumuhay. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










