Pinaghahandaan na ng Department of Labor and Employment at Philippine Statistics Authority sa Region 1 ang paggamit ng isang digital system upang mas higpitan ang beripikasyon ng mga benepisyaryo ng Tulong Panghanapbuhay para sa Ating Disadvantaged Workers (TUPAD).
Sa isang pagpupulong, tinalakay ang paglulunsad ng Citizen Authentication Portal (CAP), na gagamit sa Philippine Identification System (PhilSys) o National ID upang matiyak ang pagkakakilanlan ng mga aplikante.
Sa pamamagitan nito, inaasahang mababawasan ang mga hindi kwalipikadong nakakapasok sa programa at tugon sa mga naitalang isyu noon hinggil sa multiple availment ng benepisyo.
Idinisenyo ang CAP upang magsagawa ng real-time na validation ng datos, kaya’t agad nitong matutukoy ang mga dobleng aplikasyon at iba pang kahina-hinalang entries.
Ang TUPAD ay isang programang nagbibigay ng panandaliang hanapbuhay sa mga manggagawang nangangailangan, na karaniwang isang miyembro lamang ng bawat pamilya ang maaaring makinabang kada taon.
Sa pagpapatupad ng naturang sistema, inaasahang mas magiging maayos, mabilis, at transparent ang proseso ng pagpili ng benepisyaryo, kasabay ng pinaigting na ugnayan ng mga ahensya upang mapabuti ang paghahatid ng serbisyo publiko sa rehiyon.








