Monday, August 3, 2026

NBI, sinisilip na kung may iba pang nabiktimang government official sa likod ng ‘sex scandal plot’ vs Recto

Inaalam na rin ng National Bureau of Investigation (NBI) kung may iba pang nabiktima o tinarget na opisyal ng gobyerno ang grupong nasa likod ng nabistong honeytrap at sex scandal plot laban kay Executive Sec. Ralph Recto.

Ayon kay NBI Director Atty. Melvin Matibag, ipadadala na ng bureau ngayong araw ang subpoena kina Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste at dating Cong. Jing Paras na idinadawit sa isyu.

Sakaling no show sa Huwebes, kikilos ang NBI nang naaayon sa makakalap nilang mga ebidensya pero kung sakaling hindi ito humarap ay magpapatuloy lang ang NBI sa pagkakalap ng mga ebidensya.

Pero nilinaw ni Matibag na hindi nila idinedeklarang totoo ang ibinibintang sa dalawa dahil dadaan pa ang mga ito sa due process.

Samantala, kung malaman umano ng NBI na nag-iimbento lang ang nasakoteng talent manager at kinontratang 4 na babaeng talent, tutulungan pa aniya ng ahensya sina Leviste at Paras na panagutin ang mga ito.

Matatandaang sinabi ng talent manager na kinausap siya ni Paras para hikayatin ang 4 na babae na sabihing pinilit sila ni Recto na gumamit ng ilegal na droga’t makipagtalik sa kaniya kapalit ng tig-P1M at si Leviste umano ang financer nito na agad namang pinabulaanan nang dalawang panig.

Facebook Comments