
Ininspeksyon ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Sec. Vince Dizon ang ginawang declogging operation ng mga drainage sa Taft Avenue partikular sa tapat ng De La Salle University (DLSU) Manila.
Mano-manong nilinis ng mga tauhan ng DPWH National Capital Region (NCR) ang mga drainage kung saan sako-sakong burak ang nahakot.
Nakita mismo ng kalihim ang mga nakabara sa drainage na naging dahilan ng mga pagbaha sa bahagi ng Taft Avenue kapag malakas ang buhos na ulan.
Ayon kay Dizon, maliit ang culvert o ang sementadong pabilog na dinadaluyan ng tubig kaya’t madalas ay binabaha sa lugar dahil sa mga nakabarang burak.
Aniya, dapat ay kasinglaki ito ng inilagay na culvert sa tapat ng Sta. Isabel malapit sa Ayala Blvd.
Dahil dito, sinabi ng kalihim na papalitan nila at palalawakin ang drainage sa tapat ng DLSU upang hindi na maabala pa ang publiko lalo na ang mga estudyante.
Paliwanag pa ni Dizon, posibleng tumagal ng hanggang anim na buwan ang pagsasaayos ng drainage at magtutuloy-tuloy din ang mga proyekto sa iba pang parte ng Taft Avenue.










