Monday, August 10, 2026

MATAPOS ANG INSIDENTE NG PAGKALUNOD SA MALALIM NA HUKAY SA ISANG PALAYAN SA BRGY. MALIMPUEC, LINGAYEN; MGA RESIDENTE, PINAG-IINGAT

Nauwi sa trahedya ang paglangoy ng isang binata matapos itong malunod sa isang malalim na hukay na puno ng tubig-ulan sa isang palayan sa Barangay Malimpuec, Lingayen, Pangasinan.

Ayon sa panayam ng IFM News Dagupan sa nakatatandang kapatid na babae ng biktima, na si “Mich”, lumabas umano ng kanilang bahay ang biktima kasama ang kaniyang mga kaibigan nang walang paalam upang maligo.

Pagdating sa isang palayan na may hukay na puno ng tubig-ulan, sinaway umano ng biktima ang tatlong batang naroon at pinagbawalang maligo sa naturang hukay.

Maya-maya, inaya naman umano ng biktima ang kaniyang mga kaibigan na lumangoy.

Sa una ay nakalangoy pa umano ang biktima, ngunit bigla itong namulikat.

Nang subukan nitong tumayo, hindi na umano nito maramdaman ang ilalim ng hukay hanggang sa tuluyan itong lumubog.

Agad namang rumesponde ang mga residente ng Malimpuec upang hanapin ang biktima.

Samantala, ayon kay Welly Estrada, Barangay Kagawad ng Malimpuec, hindi pa nila nakakausap ang may-ari ng naturang hukay dahil wala ito sa lugar.

Isang caretaker lamang umano ang kanilang nadatnan.

Dagdag pa ni Estrada, nananatiling bukas at may lalim na lagpas-tao ang naturang hukay.

Dahil dito, muling nagpaalala ang barangay sa mga residente, lalo na sa mga kabataan, na mag-ingat sa mga hukay na napupuno ng tubig-ulan at iwasang maligo sa mga lugar na walang katiyakan ang lalim upang matiyak rin ang kanilang kaligtasan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments