Batay sa paunang impormasyong ibinahagi ng mga may-ari, dakong alas-3:45 ng madaling-araw umano nang pasukin ang establisimyento.
Sinira umano ng mga salarin ang padlock ng roll-up door at binasag ang glass sliding door upang makapasok.
Kita rin sa CCTV footage kung paano tinangay ng mga salarin ang iba’t ibang gadgets na paninda pati ang pagbuhat sa vault na nasa loob ng shop.
Isang puting Hyundai Stargazer naman ang sinasabing posibleng ginamit na getaway vehicle ng mga salarin. Gayunman, hinihintay pa ang kumpirmasyon ng Umingan Municipal Police Station hinggil dito, kabilang ang posibleng pagkakakilanlan ng sasakyan at mga sakay nito.
Nag-alok naman ang mga may-ari ng ₱200,000 pabuya para sa sinumang makapagbibigay ng impormasyong makatutulong sa pagkakakilanlan at pagkakahuli sa mga responsable.
Nai-report na sa Umingan Municipal Police Station ang insidente at nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Nauna rito, ninakawan din umano noong nakaraang taon ang Tayug branch ng parehong negosyo.
Palaisipan ngayon sa mga biktima kung paano naisagawa ang pagnanakaw nang wala umanong nakarinig sa ingay mula sa pagsira sa tindahan at sa alarm nito.
Wala pang kumpirmasyon mula sa pulisya kung may kaugnayan ang dalawang insidente.| 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








